SMNI Foundation at China namahagi ng tulong sa San Juan, Batangas
Isang magandang umaga na puno ng pag-asa ang humarap sa ating mga kababayan sa San Juan, Batangas.
Matapos na napili ang kanilang lugar ng SMNI Foundation at Peoples Republic of China upang bigyan ng tulong matapos ang pananalasa ng Bagyong Paeng.
Araw ng linggo ay nag-iingay na sa paghahanda ang SMNI Foundation para sa pagbabasta ng libu-libong relief packs para sa unang bugso ng relief operation matapos ang pananalasa ng Bagyong Paeng.
Habang inihahanda ang relief goods sa isang lugar sa Metro Manila ay abala rin ang ilang volunteers dito sa Calitcalit Elementary school, ang venue para sa gagawing relief operations.
Ito ay kusang loob mula sa SMNI Foundation sa pangunguna ni Pastor Apollo C. Quiboloy at ng Peoples Republic of China sa pangunguna ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.
Ang biyayang dala ng SMNI Foundation at People's Republic of China ay dumating sakay sa isang malaking bus at tatlong 6x6 na military truck.
Tulong-tulong naman itong binitbit mga volunteers kabilang ang mga miyembro ng Philippine Army papasok sa venue kung saan naroon ang mga sabik na sabik na beneficiary.
Balde-baldeng relief goods, sako-sakong bigas, at galon-galon ng tubig ang hatid na tulong ng SMNI Foundation at Peoples Republic of China sa mga sinalanta ng Bagyong Paeng.
Ang mga benipisyaryo ay tuwang-tuwa sa kanilang natanggap.
Bakas sa kanilang mukha ang kasiyahan para sa ayuda na malaking bawas gastos sa kanilang mga kinokonsumong pagkain.
Ang mga lokal na opisyal ay di naman napigil sa kanilang pasalamat sa SMNI Foundation at kay SMNI Honorary Chairman Pastor Apollo C. Quiboloy.
Ito ang una nilang pagkakataon na makatanggap ng sobra-sobrang ayuda para sa kanilang mga kababayan.
“Nagpapasalamat po ako kay Sir Quiboloy at naalala kami dito ho sa bayan ng San Juan. Lalo’t higit dito sa Brgy. Calit-Calit na naging recipient nila. Maraming-maraming salamat po sa mga tulong. At sa mga tumulong din po at nagpapdala pa rin po dito sa amin ng pagkain. Maraming-maraming salamat po sa inyo,” wika ni San Juan Mayor Ildebrando Salud.
Kasabay sa San Juan, Batangas ay nag-abot rin ng tulong ang SMNI Foundation at People’s Republic of China sa Bay, Laguna.